Colored Purple Down Under

Friday, December 8, 2006

Bambi

Berde ang daan. Berde ang paligid. Nakakasilaw ito. Nakakabulag. Nakakabingi ang katahimikan. Ang tanging naririnig ko lamang ay ang paminsan-minsang pagpatak ng likido sa daan na hindi ko alam kung saan nagmumula.

Nang lumingon ako, nakita ko pa ang bakas ng likidong malayo sa kulay ng paligid ko.

Hindi ko alam kung nasaan na ako. Kanina pa ako naglalakad pero wala akong makitang iba kundi ang napakahabang berdeng daan. Pagod na rin si Bambi. Ramdam ko ang kanyang Pagod. At takot.

Hinigpitan ko ang paghawak sa kanya.

Ang dumi na nang laylayan ng aking pantulog. Basa na rin ito ng hamog. Bumibigat ito. Pareho ang kulay ng aming pantulog ni Bambi. Light yellow. Sabi ni nanay, kamukha ko raw si Bambi. Noong una ay hindi ko alam kung anong ibig sabihin ni Nanay nong sabihin niya yon...kaya nga raw niya binili si Bambi ay dahil nakakamukha ko ito.

Pareho kami nga naman pala kami ng mata. Ng kulay ng mata.

Tatlong oras na akong naglalakad. Hindi ko pa rin alam kung nasaan ako. At kung saan ako pupunta.

Muli, binasag na naman ang nakakabinging katahimikan ng pagpatak ng likido. Pero ngayon, pinaso ng likidong ito ang balat ng aking kaliwang braso na mahigpit ang yakap kay Bambi. Dumaan muna ito sa manipis niyang buhok at nag-iwan ng sariwang mantsa bago bumaba at humalik sa aking balat.

Tumigil ako saglit. Sa takot. Marahil sa pagod. Doon ko nalaman na kulay dugo ang likidong kanina pang bumabasag sa katahimikan.


Nanlabo ang aking paningin. Sa takot. Marahil sa pagod. At saka naramdaman na namamasa pala ang aking kaliwang mata.
posted by colored purple at Friday, December 08, 2006 1 comments

Tuesday, December 5, 2006

The Green Wall

Tandang-tanda ko pa, noong nabubuhay pa si nanay. Lagi niyang sinusuklay ang buhok ko. Gustong-gusto ko naman ito kasi nakakaantok ito. Ang sarap kayang matulog habang may humahagod sa ulo mo.

Hindi tulad ng dalawa ko pang ate, bihira akong magpaputol ng buhok kaya mahaba ito. Laging lampas sa balikat. Sina Marie at Maxine, mga adventurous kasi at kung anu-anong ginagawa sa kanilang mga buhok.

Minsan, laking gulat ni nanay nang umuwi isang gabi si Marie na sobrang tingkad ang kulay ng buhok. Para itong pinaghalong green, blue, at yellow na hindi ko na maintindihan kung ano ang resulta ng color. At ang pagkakagupit ay parang pinaglaruan ba. Bagay naman sa kanya ang kanyang hairstyle. Tingin ko nga, mas lalong pa syang gumanda nong panahong iyon. Ginaya ni Marie ang style na yon sa isang Japanese model na napanuod namin sa F TV.

Si Maxine naman ay ilang taon na ring hindi nagpapagupit. At naghuhugas ng buhok. Yes, hugas ng buhok kasi naka-dreadlocks ito. Minsan nangangamoy ang kanyang ulo. Tingin ko rin ang kati-kati ng kanyang pakiramdam lagi dahil sa kanyang buhok. Pero mas nagagandahan ako sa style ni Maxine kaysa kay Marie.

Aktibista si Maxine. Tulad ni nanay noong kabataan niya. Kaya si nanay, walang complaints o disgusto sa ginagawa nilang dalawa...naming tatlo. Magugulat ito pero hindi magagalit sa pinaggagawa namin, lalo na nang dalawa kong kapatid. Kahit pa man noong nabubuhay pa si tatay ay hindi ito naging problema.

Lahat kami ay hinayaang mabuhay sa kung anong uring buhay ang gusto namin basta ba hindi ito makakasama sa aming sarili at sa aming pamilya. Buhay ang demokrasya sa aming pamamahay.

Ako, I always loved this hair. Noong nasa college ako, habang nakikipagkwentuhan ako sa aking mga classmates sa gym, bago ang aming swimming class, lumapit sa amin ang isang swimming instructor upang alukin ako. Well, gusto ko raw bang maging model ng shampoo. May kaibigan daw ito sa isang ad agency.

Umuo ako. Nagpalitan kami ng numbers and all.

I first broke the news to Anthony nang magkita kami noong hapong iyon sa loob ng campus. Magtatatlong buwan pa lang kami that time. Upon hearing it, for some reasons until now I don't know, he freaked out.

He hit me...my face...my head...for so many times that I lost count of it. Takot na takot ako sa kanya. He was so uncontrollable. People around could only rush to call for help.

Nag-apoy ang mga mata ni Anthony noong panahong iyon. He was calling me names while hitting my face repeteadly that my nose started to bleed. I was crying but he never listened to me.

He dragged me to the ladies' room. Inside he pinned me so strongly against the green wall. Nanghihina na ako that time habang sinasakal niya ako.

Then, the wall, everything, suddenly turned white.
posted by colored purple at Tuesday, December 05, 2006 6 comments

Sunday, December 3, 2006

Sa Simbahan

Ang tagal sumindi ng kandila. Nakailang ulit ko na itong sindihan pero ayaw pa rin. Inayos ko ng wick, pinatayo ito ng bahagya at sinimulang sindihan itong muli gamit ang lighter na medyo mainit na sa aking kakikiskis.

Nag-apoy ito sa wakas. Dahan-dahan. Ilang sandali pa ay nagsimula na itong natunaw habang hindi ko maalis-alis ang aking mga mata dito.Gusto kong pumikit upang umusal ng dasal pero parang pinipigilan ako ng apoy. Nagsasayaw ito. Pero matamlay.

Sa loob ng simbahan ay may ilang taong nakaluhod. Ang iba nakatungo. Ang iba naman ay bahagyang nakahangad na para bang may hinihintay.

Nagpa-practice and choir. Ang lakas.

I will sing forever of your love oh, Lord...I will celebrate the wonders of your name...

Naisip ko, Puta naman! paano ba naman makakag-concentrate ang mga nagdarasal n'yang kung sa loob mismo ng simbahan ay may mga ngumangawa? And how can possibly God listen to all these prayers, including mine, kung ang ingay-ingay ng mundo.

Instantly, naisip kong ipagdasal na sana ay tumigil muna ang choir para naman makapagdasal ng maayos ang mga tao. Para maging malinis ang linya that connects us to God. Ilang minuto ang lumipas pero hindi pa rin huminto ang choir.

And your faithfullness, as gentle as the daw...

Naisip ko, sana masira ang piano. Sana pumutok ang transformer ng kuryente. Sana magkasunog.

Sana masunog ang simbahan.

I will sing forever of your love, oh, Lord...for you are my refuge and my strength...

Pero bagong renovate lang ang simbahang ito. Tatlong buwan na ang nakalipas, kasama ko noon si Anthony, ay masayang inanunsyo ng pari ang nalalapit na blessing ng renovated na simbahan. Weird, sabi ko kay Anthony na mukhang inaantok na sa haba ng homily. Nagtanong siya kung bakit weird. Bakit naman hindi, sabi ko, gayung simbahan ito. I mean, alam nyo yon? Ibi-bless ang simbahan?

That particular Sunday, matapos ang collection ay nagkaroon na naman ng second collection. Sa nakalipas na dalawang taon, kada misa, ay laging may second collection. Ang sabi ng pari, para daw ito sa renovation ng simbahan.

Pwede pala ang ganun? Second collection para sa renovation. Pero tapos na ang renovation at para naman saan ang second collection? Hindi ko na natandaan kung para saan yon.

Nangalahati na ang kandila ko. Wala pa rin akong nadadasal maliban don sa sana ay masira ang piano, o pumutok ang transformer ng kuryente o kaya ang magkaroon ng sunog. Na masunog ang newly renovated na simbahan.

Sigurado ako na madadamay ang kombento sa sunog. Si father? Sana. Kasama na ang assistant parish priest na masyadong close sa mga convent boys.

Pag nagkataon, para sa mga biktima ng sunog sa simbahan ang kandila ko. Para kay father at sa assistant nito.

Tumunog ang phone ko. Sana si Anthony na. Pumasok ako sa loob ng simbahan para basahin ang mensahe. Nakakatakot kaya sa labas. Baka kasi agawin ito tulad ng nangyari sa aming katulong.

Habang papasok ako, sinalubong ako ng isang batang lalaki. Mga eight years old siya. Naka-make up ito. At ang lipstick--sobrang pula. Nakahikaw. Inalok niya ako ng Sampaguita. Hindi ko siya pinaansin. Deretso ako sa pangatlong pew.

Three messages. Si Jodelle. Nangungumusta.

Naramdaman ko. Ang lamig pala sa loob ng simbahan.
posted by colored purple at Sunday, December 03, 2006 2 comments